Dear Chuva: Letter Number One from Tuliro
Hello mga ka-bords!! Kamusta na kayong lahat diyan. Sana eh hindi naman pag-ka-init init sa lugar na kinalalagyan ninyo. As I promised, I will start to post Dear Chuva letters that I receive from readers who would like to share their innermost secrets or even to simply unload a burden that you’ve been carrying for a long time and need someone to share it with. Heck, share it with my readers as well!! No worries because anonymity is guaranteed. Let’s get started shall we? I have changed the locations and scenario to protect ourletter-sender’s identity.
![]()
Dear Chuva,
Kamusta po kayo? Sana po ay nasa mabuti kayong kalagayan ng matanggap nyo ang sulat ko. Tatagalugin ko po ang sulat ko dahil gusto kong sabihin ang nararamdaman ko ng buo sa loob ko. Sana po ay maintindihan ng mga readers ninyo.
Ako po ay isang single na babaeng tatlumput-dalawang gulang na naninirahan sa Hong Kong. Maganda naman po ang buhay ko rito at kasama ko na rin po ang pamilya ko. Dito po ako lumaki sa Hong Kong. Nakalibot na rin po ako ng iba’t ibang bansa tulad ng New Zealand at United Kingdom. Nanirahan din po ako roon dahil po sa trabaho ko. Maganda namang po ang kalagayan namin rito. Bumalik po ako ng Hong Kong dahil sa pamilya ko.
Ang isusulat ko po ay tungkol sa damdamin ko ngayon. Nag-aral po ako sa all-girls school both elementary and high school. Hindi naman po sa pagmamayabang pero marami rin po akong mga manliligaw. May naging kapuso na rin po ako pero hindi po ganoong katagal. Dahil nga po sa paglibot ko ng mga bansa, hindi po ako nagkaroon ng isang relasyon na maaring magtagal dahil nagkakalayo po kami tuwing lilipat ako. Ang isa ko pong boyfriend ay taga Hong Kong din po pero lumipat na po siya ng China dahil din po sa trabaho. Sa kasalukuyan po ay single ako.
Matagal din po akong nawala sa Hong Kong. Mahigit na limang taon din po. Sa aking pagbabalik nitong taon na ito galing sa United Kingdom, lungkot na lungkot po ako marahil sa wala na po ang karamihan ng mga kaibigan ko rito. Nangibang bansa na po yung iba at yung iba naman pong natitira ay may asawa at mga anak na.
Minsan po, tinawagan ko ang mga numero ng mga classmates ko nung high school dahil sila lang po ang mga ka-close ko. Isa na po sa barkada namin si Jenna (hindi po tunay na pangalan). Close na close po kaming dalawa mula pa nuong high school. Lagi po kaming magkasama at laging nagkakabiruan. May naririnig po akong tsismis na tibo daw po siya pero hindi ko po kumpirmado. Kaibigan ko lang po siyan nung high school kami.
Nag pasya po kaming magkita-kitang magkakaibigan sa isang local restaurant. Nagkakuwentuhan at nagkapalitan ng mga pangyayari sa mga buhay buhay namin ng nakaraang limang taon. Lima po kami sa grupo pero talaga pong malapit ako sa kanya. Lagi po niyang gusto ay sa tabi ko mauupo at siya po lagi ang kumakausap sa akin tuwing lumalabas kami.
Nalimit na po ang mga pagkikita naming magkaka-barkada. Dalawa po sa lima ang may asawa at may anak na. Tatlo pa po kaming natitirang single. Ang ipinagtataka ko po, lagi ko na pong hinanap ang presence ni Jenna. Tuwing uuwi po ako galing sa labasan namin, nag-te-text siya at sinasabi niya na sanay makauwi ako ng mahusay. Natutuwa po ako sa atensiyon na ibinibigay niya sa akin at hindi ko po alam kung bakit natutuwa ako ng husto kapag siya ang kausap ko. Marahil po ay marami kaming similarities. Yung ugali niyang pagligo sa gabi bago matulog, yung pagkain na paborito niya, yung pagtiklop niya ng damit at marami pang iba.
Minsan po ay nalasing kami sa isang club. Napag kuwentuhan po namin yung room mate niya. Babae din po ang room mate niya. Ang flat daw na tinitirahan nila ay binili nila ng sabay. Hati po sila sa flat na yon. Ang kotse po nila ay iisang BMW. Mayroon po akong hinala na may relasyon sila. Naitanong ko po, “Are you together?” Ang sagot lamang po sa akin at, “It’s complicated!” Hindi po niya inamin sa aking kung isa siyang tibo or kung ano talaga ang relasyon nilang dalawa.
Nagkalagnat po ako minsan. Panay na panay po ang pagtawag niya para malaman niya ang kalagayan ko. Lagi po niya akong kinakamusta. Nalilito na po ako dahil siguro naman po, halatang nahuhulog na po ang damdamin ko sa kanya. Minsan po, nalasing ako at pinadalhan ko po siya ng text message. Hindi ko na po matandaan kung ano yun pero minsan po kapag nalalasing ako, nailalabas ko po ang tunay kong nararamdaman. Maaring inamin ko sa kanya na nahulog na ang loob ko sa kanya at maari din namang hindi. Tuloy parin po ang pagkakaibigan namin.
Sumulat po ako dahil hindi ko na po matiis ang nararamdaman ko. Ang alam ko po, hindi po ako nagkaroon ng pagtingin sa kapwa ko babae kahit minsan. Pero iba po ang nararamdaman ko ngayon. Mas mahigit pa po ang pagtingin ko sa kanya kaisa sa mga naging boyfriends ko. Gusto ko pong ipagtapat sa kanya pero nararamdaman ko po na may relasyon sila ng room mate niya. Ayaw lang po niyang aminin sa akin. Mahal ko na po siya. Siya lang po ang taong nakaintindi sa akin ng husto at alam kung ano ang mga plano ko sa buhay. Hindi ko na po kayang itago sa kanya ang nararamdaman ko. Nararamdaman ko po na ganoon din ang pagtingin niya sa akin. Ang hindi ko lang po maintindihan ay kung bakit ayaw niyang aminin sa akin. Dahil kung may relasyon na po siya, mas madali ko po siyang makakalimutan dahil ayoko pong sumira ng relasyon.
Ano po ba ang maipapayo ninyo, at ng mga readers ninyo para po luminaw ang isip ko. Gulong gulo na po ang isip ko. Minsan naisip ko na pong iwasan siya at huwag ng magulo ang buhay niya. Hindi rin po ako sigurado kung ano ang nararamdaman ko para sa kanya pero alam ko po na mahal ko na siya.
Sana po ay matulungan ninyo ako sa aking problema.
Avid reader po.
Tuliro
Mga ka-bords!!!!!!!!! Tulungan naman ninyo ko. Ilalabas ko ang response ko sa email niya sa mga susunod na araw.
Read Chuva’s response here.













