Baron Geisler defends himself after being axed from movie project
Isa ang young actor na si Baron Geisler sa mga dumalong artista sa unveiling ng Star Magic 2009 Catalogue noong Linggo, September 28, sa lobby ng EDSA Shangri-La Hotel sa Mandaluyong City.
Ayon sa 26-year-old aktor, naging parte na siya ng Star Magic noong labindalawang taong gulang pa lamang siya. Dahil dito, lubos ang kanyang pasasalamat sa naturang talent agency sa pagtulong sa kanyang showbiz career, kahit na ilang taon din itong nagbakasyon mula sa telebisyon at pelikula.
“Sila na ‘yong pinagkatiwalaan ko,” wika ni Baron. “I’m sobrang happy na through thick and thin, sa lahat ng mga nangyari sa akin, nasa likod pa rin ang ABS-CBN Star Magic para sa akin.
“Thank you very much lang, sobrang laki ng utang ng loob ko sa kanila. Kaya kahit ano’ng mangyari, hindi ako lumilipat kasi ang laki ng utang ng loob ko sa kanila, sa Star Magic.”
Matatandaan na sa kanyang pagbabalik-showbiz, ilang intriga na ang kanyang hinarap at karamihan sa mga ito ay ang umano’y pagiging pasaway niya. Kamakailan naman, naisulat sa isang showbiz write-up ang muling pagiging pasaway ng binata.
Ayon sa balita, napilitan umanong palitan ng direktor na si Chito Roño si Baron sa pelikulang pagbibidahan ng Diamond Star na si Maricel Soriano sa Star Cinema. Hindi raw nakadating ang binatang aktor nang kinailangan na siya para sa shooting ng pelikula dahil nag-extend ito sa Venice nang hindi nagpaalam.
Nang tanungin si Baron tungkol dito, napailing siya at pinabulaanan na muli siyang naging “pasaway.”
“Ano kasi, e, na-delay ‘yong flight ko. Actually, ayaw kong pinag-uusapan iyon kasi parang masakit para sa akin. ‘Yong flight na nakuha ko, sobrang iba doon sa ine-expect nila. Hindi ko naman puwedeng i-re-book,” simpleng paliwanag ni Baron.
Paniniguro pa niya, “Walang katotohanan na nagpakatarantado ako.”
Sa huli, tinanong si Baron kung ano ang masasabi niya na palagi na lang naikakabit sa pangalan niya ang pagiging pasaway. Ang naging tugon ni Baron, “That’s not true, that’s not true. Kaya ako galit, e, kasi hindi totoo, e. Parang ayaw na akong tantanan ng mga intriga, e.”
Nawala man siya sa naturang pelikula ng Star Cinema, natutuwa naman si Baron na maging parte ng pelikulang Baler na official entry ng Viva Films sa Metro Manila Film Festival ngayong taon. Kasama din ang binatang aktor sa teleserye na Eva Fonda na pagbibidahan naman ni Cristine Reyes.
PEP




