Bruce Quebral confirms quitting showbiz
Mismong ang rumored girlfriend ni Bruce Quebral na si Wendy Valdez ang nagbalita na tatalikuran na ng dating Pinoy Big Brother (PBB) Season 2 housemate ang showbiz at aalis na ito ng bansa.
Ayon kay Wendy ay sinubukan at sinuwerteng natanggap naman si Bruce as flight attendant sa isang international airline. Kinumpirma naman ito ni Bruce nang makausap siya last Sunday, September 28, sa launching Star Magic Catalogue 2009 sa EDSA Shangri-La sa Mandaluyong City.
“Aalis na ako sa December, as a cabin crew ako,” sabi ni Bruce. “Dati pa plano ko na talagang mag-apply dun, bago pa ako mag-PBB. Nakita ko kasi na mukhang mas stable ang job ko dun. Nakita ko yung opportunity na may opening sa Emirates, sinubukan ko. Ibinigay naman ito sa akin ni God kaya sobrang thankful ako sa kanya.”
Masayang ibinalita ni Bruce na naipasa naman niya ang mga requirement na kailangan niyang daanan as cabin crew. Isang test na lang at tuluy-tuloy na raw ang pag-alis niya this December.
“I had my final interview, napag-medical na ako last week. Isang exam na lang, tuberculine test, and then ready to go na ako. Hopefully tuluy-tuloy na.”
Inamin ni Bruce na malaki ang itinulong ng pagkakapasok niya sa Bahay Ni Kuya sa improvement ng personality niya, na nakatulong din para makapasa siya pinili niyang bagong trabaho.
“Siyempre, malaking tulong ‘yan. May mga nakakakilala sa akin na nakita nila kung paano ako magtrabaho sa ABS. In a way, yung personality ko na-develop inside the PBB house, so nagagamit ko talaga siya,” saad ng dating modelo.
Mahirap mag-survive ang isang long-distance affair. Hindi kaya sa hiwalayan din mauwi ang relasyon nina Bruce at Wendy kapag hindi na sila madalas magkita at magkasama?
“Hindi naman. Magpapakasal na kami ni Wendy in three or four years from now. She’s the one I want to spend the rest of my life with,” pagsisiwalat ni Bruce.
PEP




