Angel Locsin explains absence in Folded & Hung fashion show
Iniintriga ang hindi pagsipot ni Angel Locsin sa 10th anniversary fashion show ng Folded & Hung last Thursday, Oct. 23, sa Avenue, Makati City, kung saan ay rumampa ang mga endorsers nito sa pangunguna nina Maja Salvador, Joem Bascon at, sa finale, ang paglitaw ni Claudine Barretto.
Umugong ang alingasngas na nag-iiwasan sina Claudine at
Angel at hindi pa rin daw tapos ang away nila, kaya hindi sila puwedeng magsama
at magsabay.
Mariin namang pinabulaanan ito ng magkabilang kampo.
Sa paliwanag ng kampo ni Angel, may schedule ito ng shooting
sa Star Cinema kaya hindi nakarating sa fashion show. Matagal na raw nakuha ng
Star Cinema ang schedule na ‘yon ni Angel, kaya nasa Subic si Angel para sa shooting ng Land Down Under
with Piolo Pascual.
Ayon naman kay Claudine, nanghihinayang siya na hindi nakarating si Angel, pero
naiintindihan naman daw niya na may trabaho ang co-endorser.
Samantala, kaugnay pa rin ng 10th year celebration ng
F&H, sinimulan ang fashion week ng clothing brand kahapon, Oct. 24, sa Mall
of Asia with another fashion show. Doon ay nakitang rumampa si Angel kasama pa
rin ang F&H co-endorser niyang si Maja Salvador. Pinagkaguluhan ang aktres kaya
labinlimang security guards ang umalalay sa kanya.
Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Angel after the fashion
show, nilinaw ng aktres kung bakit wala siya sa Folded & Hung show sa A Venue.
Ani Angel, talagang hindi raw siya kasama sa program noon pa
man dahil naka-block-off na ang mga date na ito for Australia. Sa mga ganitong
panahon, dapat ay nagsu-shooting na sila ni Piolo Pascual ng movie nilang Land
Down Under sa nasabing bansa. Kaya nga nag-video shoot na lang daw siya na
siyang ipinakita sa opening ng fashion show nung gabing iyon. Pero dahil
delayed ang kanyang visa at hinihintay pa, tinatapos na lang nila ngayon ang
ilang eksena sa Subic.
Wala raw kinalaman ang dating alitan nila ni Claudine sa hindi
niya pagsipot nung Huwebes.
“Okay na po lahat. Matagal na ring naayos and ako po,
nirerespeto ko siya. Pareho kaming hindi nagsalita sa issue noon bilang isang
lady at hanggang ngayon, ganun pa rin po ang aking stand,” saad ni Angel.
“Wala po talagang iwasang nangyari. Ang arte-arte ko naman
kung iiwas-iwas pa ako, ako pa ang choosy, e, Claudine Barretto ‘yan,” dagdag
pa niya.
ABOUT LUIS. Nilinaw din ni Angel ang tungkol sa napabalitang breakup o
tampuhan ng rumored boyfriend niyang si Luis Manzano.
“Siyempre, that time, taga-Bukidnon nga ako. Pero mabait
naman yung tao. Kung ano kami noon, ganun pa rin kami ngayon,” deklara pa ni
Angel.
Sa first week of November, nakatakda ang alis nina Angel at
Piolo for Australia . Target na ipalabas naman ang Land Down Under sa
last week ng nabanggit na buwan.
PEP




