Claudine Barretto on issue with Angel Locsin: “Wala na yun…”

Halos finale na ng nakaraang 10th anniversary ng Folded & Hung fashion show noong Huwebes ng gabi, October 23, sa A. Venue Hall ay hindi pa rin lumalabas ang isa sa mga unang endorser ng F&H na si Claudine Barretto. Matatandaang kailan lang ay nagkaroon ng isyu na aalis na diumano sa F&H si Claudine dahil sa pagkakakuha ng naturang clothing brand sa bago nilang celebrity endorser na si Angel Locsin.
Kaya marami ang nag-isip na dahil dito ay hindi na rin sisiputin ni Claudine ang F&H show, gaya ni Angel.
Kahit na wala pang malinaw na dahilan ng di pagsipot ni Angel (although ang haka-haka ay dahil daw umiiwas lang itong makasama sa iisang entablado si Claudine), may special VTR naman na ipinakita sa show sa simula. Laking-gulat naman ng lahat nang sa finale ay rumampa si Claudine at kasama pa ang mismong may-ari ng F&H na si Ronald Pineda.
Ang impresyon tuloy ng marami sa paglitaw na ito ni Claudine ay siya pa rin ang kinokonsiderang reyna ng F&H kahit na marami na itong celebrity endorsers.
Nang makausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Claudine after the fashion show, wala itong boses at halatang hirap-hirap sa pagsasalita. Yun pala ay may sakit ito at kagagaling lang sa ospital. Pinayagan lang daw siyang pumunta sa fashion show, pero kailangan niyang bumalik sa ospital pagkatapos.
Naospital si Claudine dahil sa pag-collapse nito noong Wednesday, October 22.
“Nag-low-blood ako, pharyngitis, tonsillitis, suspected thyroid [problem]…actually mamaya, babalik ulit ako sa hospital for check-up. Pinayagan lang nila akong pumunta rito basta huwag lang daw akong masyadong magsasalita,” kaswal na pahayag nga ni Claudine.
Humingi tuloy ng paumanhin ang entertainment press, kabilang na ang PEP, sa kanya dahil kahit ganoon nga ang kanyang kalagayan, accommodating pa rin si Claudine sa aming mga tanong.
ON ANGEL’S ABSENCE. At kahit ganoon nga ang kanyang sitwasyon, sinagot pa rin ni Claudine ang isyu sa kanila ni Angel. Bakit nga naman VTR lang si Angel, samantalang present si Claudine sa show at finale pa? Nag-iiwasan nga ba sila?
“Wala na yun…huwag na nating intrigahin kasi, wala siya rito. Hindi naman fair for her,” sagot na lang ni Claudine.
Dagdag pa niya, wala na naman daw problema sa kanila ni Angel. Nagkausap at nagkaayos na naman daw sila.
Pero patunay ba na ang pagdating niya sa 10th anniversary show ng F&H na hindi siya mawawala as endorser nito, contrary sa mga lumalabas na intriga?
“Mga kaibigan ko ‘yan, wala pa ‘ko sa showbiz. Talagang yung pinagsamahan namin, matagal na. We grew up together. Maliit pa ang Folded & Hung, hindi pa ganito, hanggang sa paglaki pa.
“Loyal akong tao. Mas maganda yung dumarami [ang mga kaibigan] kesa sa kumokonti.”
Nabanggit naman daw sa kanya na kukunin nga ng F&H si Angel bilang isa sa mga celebrity endorsers. Pero aniya, wala naman daw dahilan para hingan pa siya ng approval ng may-ari.
“Hindi naman kailangan. Kahit nang kinuha naman nila si Maja [Salvador], wala namang ganoon. Kahit sa business side, ano nila yun, e…karapatan nila yun.”
Kailan siya nag-renew ng kontrata sa F&H?
“May kontrata pa ba ‘ko? Parang hindi, e…parang friendship na lang talaga,” natatawa niyang sabi.
May kontrata naman daw sila even from the start. Posible rin daw na may existing contract pa rin siya, although feeling niya, sa friendship niya raw ngayon with F&H, tila hindi na rin kailangan pa ang kontrata.
“Alam n’yo, minsan yung walang kontrata, mas okey pa yun.”
For the record, puwedeng sabihin na friends na sila ni Angel?
“Sa akin, oo…” kaswal niyang sabi.
GABBY AND IISA… Hiningan din ng PEP ng reaksyon si Claudine hinggil sa pagbabalik ni Gabby sa Amerika pagkatapos ng show nila na Iisa Pa Lamang. Magpapahinga raw muna ng ilang buwan ang aktor sa Amerika at babalik na lang muli sa Pilipinas pagkatapos.
“Siguro nga…siguro dapat. Kasi, sobra ang mga pinagdaanan niya itong mga past few months.”
Masayang-masaya naman si Claudine na kahit last three weeks na lang ang Iisa Pa Lamang, sobra pa rin daw ang suportang natatanggap sa show.
“Sobrang nagpapasalamat sa lahat ng sumuporta. Sobrang I enjoyed working with the cast, staff, crew. Talagang 100 percent ang ibinigay namin sa show. Overwhelming! Sobra yung suporta na ibinigay ng tao sa show namin.”












