Katrina Halili refuses to answer Dra. Vicki Belo’s new revelation
“Back after four years,” ang nabanggit ni Katrina Halili sa sasakyan papuntang Dakak beach resort sa Dapitan City sa Zamboanga del Norte. Ito ay para sa taping ng “Karibal” episode ng Dear Friend, kasama sina Alfred Vargas, Jewel Mische, Kevin Santos, at JC Tiuseco.
Matatandaang nagkaroon ng dating ugnayan sina Katrina at ang anak ng may-ari ng Dakak na si Bullet Jalosjos, kung kaya’t nakarating na rin siya sa naturang beach resort. Wala nang communication sina Katrina at Bullet ngunit hindi na nagulat ang aktres nang makita niya si Bullet doon na may kasamang dalawang kaibigan.
“Sa kanila naman ito, so hindi nakakagulat kung nandito siya. Siguro po nasabihan na rin siya kung sino ang cast ng magte-taping sa resort nila,” sabi ni Katrina.
Biniro namin si Katrina na baka hindi sila nagpansinan ni Bullet, ngunit kinorek agad ito ng dalaga dahil nag-hi and hello naman daw sila. Pero hanggang doon lang ang naging usapan nila.
KATRINA’S HOUSE. Ang Dear Friend ang naging kasunod na show ni Katrina pagkatapos ng Gagambino. Sa ngayon, may dalawa siyang bahay na inaasikaso. Nakabili na siya ng bahay sa New Manila para tirhan nila at sa Palawan, sa El Nido mismo, para sa pamilya niya.
Sa ngayon, enjoy na enjoy si Katrina sa bahay niya sa New Manila. May bago rin daw siyang project sa bahay niya na ayaw niya munang ipasulat.
Single and happy si Katrina ngayon. Although hindi sila umamin ni Kris Lawrence na nagkaroon sila ng relasyon, sa ngayon, trabaho lang muna ang gusto niyang atupagin at ang project niya sa bahay.
“Ako na rin kasi mismo muna ang lumayo sa lovelife kasi nagugulo talaga ang buhay ko kapag may lovelife ako. Ang gusto ko munang asikasuhin, ang career ko at ang bahay ko,” sabi ni Katrina.
PAST IS PAST. Hindi na rin gustong pag-usapan ni Katrina ang pahayag ni Dra. Vicki Belo tungkol sa video diumano ng aktres at ni Dr. Hayden Kho. Bagamat si Dra. Vicki na mismo ang nagsabi na walang sex video sina Katrina at Hayden, may mga bagong rebelasyon na naman ang doktora kung ano-ano ang mga napag-usapan nina Katrina at Dr. Kho sa napanood niyang mga video. (Click here to read related article.)
Ani Katrina, “Nasabi ko na po lahat ang gustong sabihin sa isyu, wala na po akong idadagdag. Hindi na rin po ako sasagot kasi para sa akin, tapos na ito. Bakit kailangang ungaktin palagi?”
Noon pa man sa huling interview ng PEP kay Katrina noong birthday party niya para sa mga fans niya na bigay ng NMI, naisiwalat na sa amin ni Katrina na hindi siya nakatanggap ng bayad nang nag-e-endorse siya para Belo maliban sa honorarium paminsan-minsan.
Tinanong agad namin siya na ngayong wala na rin siyang ugnayan sa Belo at makatanggap siya ng offer sa kalabang service, tatanggapin niya ba?
“Bakit naman po hindi? Endorsement din po kasi ito,” sagot ni Katrina.














