Marian Rivera denies humiliating fan in Japan

Tulad noong nakaraang taon, muling nagbigay ng Christmas party sina Marian Rivera at Dennis Trillo at ang manager nilang si Popoy Caritativo para sa ilang miyembro ng entertainment press.  Isang paraan ito ng pasasalamat nina Marian at Dennis sa ibinigay na suporta sa kanila sa buong taon at pagbabahagi na rin ng mga blessings na natatanggap nila.

Masayang natagpuan si Marian sa Annabel’s restaurant kunsaan idinaos ang press party kagabi, December 12, dahil kare-renew lang daw ng halos lahat ng endorsements niya. Isa sa binanggit niya ay ang SM Residences.

Ngiti lang ang isinagot ni Marian nang may nagbirong may bago na naman siyang condo unit.

“Siguro wala naman taong wala nang kulang, pero masaya ako, maayos naman lahat. So, masaya ako sa lahat ng nangyayari sa akin at sana sa susunod na taon, magtuloy-tuloy lang,” sabi niya.

Posible raw na nasa bahay lang siya sa araw ng Pasko kasama ang pamilya niya.

“Siyempre, kapag Pasko naman, alam naman nating lahat na ‘yan ang time for family na magkasama-sama. So ako, siguradong sa bahay lang, kasama ko lola ko, mama ko, family ko.”

ALL SHE WANTS FOR CHRISTMAS. Ayaw nang magbigay ng plano ni Marian kung kailan naman daw sila magkikita ng ama niya.

“Last year sinabi ko rin ‘yan, kaso naudlot, e. So kapag nangyari na lang, ise-share ko sa inyo… Pero mas malabo na siya ang makauwi rito, mas may chance na ako ang magpunta sa Spain. Kakatayo lang niya ng bagong restaurant. Hindi niya maiiwan talaga.”

At kung sakali ngang makahanap ng time si Marian na mapasyalan ang ama niya, malaki ang posibilidad na kasama raw ang rumored boyfriend niyang si Dingdong Dantes.

“Sabi naman niya, kung pupunta raw ako, gusto raw niyang sumama. Alam niya kasi na yun din ang pinakahihiling ko sa buhay ko, ang magkita kami ng papa ko. So, gusto rin siguro niyang maging bahagi siya nun, na nandun siya.”

Naikukuwento raw niya sa papa niya si Dingdong.

“The usual… yung tipong, ‘Special siya sa akin, sana ma-meet mo siya. Kasi palagi siyang nandiyan para sa akin. Pinoprotektahan niya ‘ko. Happy ako sa kanya.'”

Nagkausap na ba ang dalawang lalaking masasabing malapit sa puso niya ngayon?

“Minsan naririnig niya papa ko [sa telepono], ibinigay ko sa kanya. Kaso, natatawa siya [Dingdong] kasi hindi niya maintindihan. Marunong din namang mag-English si Papa, pero barok-barok talaga. Literally merong Tagalog, me Spanish, mix-mix na siya.”

A GIFT FOR DINGDONG. Ilang araw na lang at Christmas na. Nakaisip na ba siya ng Christmas gift para kay Dingdong?

“Wala pa nga! Actually, nagpapatulong nga ako kay Popoy kung ano ang igi-gift ko sa kanya. Sa totoo lang, Monday to Friday ang taping ko ng Darna. May Show Me Da Manny pa. Tapos ngayong Saturday, nag-Eat Bulaga! ako, then itong party sa press. After this, may Christmas party pa for the fans. Bukas [Dec. 13] nasa SOP ako, then Christmas party ulit. Tapos, Monday to Friday, taping ulit ng Darna. Pero, hahanapan ko ‘yan!” natatawa niyang sabi.

Tatalbugan ba niya ang planong Christmas gift para sa kanya ni Dingdong?

“Naman!” natatawa niyang sabi.

May idea na raw siya kung ano ang planong iregalo sa kanya ni Dingdong.

“May ideya na ako sa mga sinasabi sa akin.  Actually kasi, gusto kong magpagawa… hindi naman rebulto ng Darna. Pero hindi lang Darna, gusto ko ng Marimar, Dyesebel, Hinugot… lahat ng naging character ko, gusto kong i-display siya. Para if ever kung ano yung damit ni Marimar, yung ganun…”

MARK HAS HIS REASONS. Isa sa mga itinanong kay Marian ay ang biglaang pagpapaalam ng leading man niya sa Darna na si Mark Anthony Fernandez.

“Siyempre nakakalungkot,” sabi ni Marian. “Kung anuman ang personal niyang rason kung bakit gusto niyang mag-rest, siyempre nirerespeto namin yun. Hindi lang ako kung hindi buong cast ng Darna rin.

“Kasi, may mga dahilan din naman siya na pagod na siya, hindi rin siya nabigyan ng break noong Impostora pa.  So, naiintindihan ko naman. Tapos ngayon, sinasabi na magpapaopera siya dahil may cyst yata. So, marami siyang reason. Kung anuman yung reason niya talaga, irespeto na lang natin.

“Mahirap din kasing mag-approach baka ma-offend. Mas mabuting silent na lang at ibigay na lang natin sa kanya yun.”

Hindi sila nakapag-usap, “pero noong nasa set siya, katulad noong last taping namin, nagpapatawa siya. Makulit siya. Pero hindi namin napag-uusapan.”

Hindi daw ito personal na nagsabi sa kanya kaya nagulat daw siya nang malaman. Pero ano naman ang masasabi niya sa intrigang dahil nagbalik-droga si Mark kaya siya iaalis sa show?

“Huwag naman sana… naranasan naman niya kung paano at siguro, madadala na siya, di ba? Huwag naman… at mukhang okay naman siya.”

HOT AND COLD. May intrigang kesyo cold daw siya kay Mark unlike with Dennis na pumapayag siyang makipag-kissing scene?

Natatawa na si Marian bago pa man ito sagutin. Aniya, “Okay, sige, sagutin po natin ‘yan… Unang-una po, nakapag-kiss na po ako kay Mark. Pangalawa, kay Dennis po, never po kaming nag-kiss ni Dennis. Wala po kaming eksenang nag-kiss kami.”

Pero cold nga ba siya kay Mark?

“Hindi!” mabilis na sagot ni Marian. “The usual. Sabihin na lang natin na hindi ako ganun kalapit sa mga lalaki. Kay Dong, oo. Pero hindi naman kasi ako yung, ‘Uy, kumain ka na ba?’ Hindi naman kasi ako ganun. Kilala niyo naman ang personality ko. One of the boys ako.”

Ang palaging idinidikit na intriga sa kanya ay ang pagtataray niya raw sa fans.

“Hindi ko nga alam, e. Katulad niyan, yung sinasabi sa Japan, lahat na ng kasama ko, pati si Tita Aster [Amoyo], nagsalita na siya. Siguro ganun na talaga… hinahanapan talaga kahit wala. Ginagawan talaga.”

May mga naulat na noong tumungo ng Japan sina Marian at Mark Anthony noong November 21 to 23, may pinahiya raw si Marian na isang fan. Pero mismo ang kolumnistang si Aster Amoyo na kasama sa promotional tour ng Darna ang nagsabi na wala raw pambabastos na nangyari.

Ayon sa column ni Mario E. Bautista sa isang online journal kahapon, sinabi daw ni Aster, “I was there. The woman actually hosted dinner for us and gave Marian three magazines. She returned to her the magazines she didn’t like, but with a smile. Hindi siya nagtaray.”

Ayon naman sa isang entertainment blog, dahil daw ang nasa cover ay si Dingdong Dantes at Rhian Ramos na magkatambal sa Stairway to Heaven.

Pero magalang naman daw iniabot—hindi hinagis o tinapon—ni Marian yung magazine sa fan, at nagkatawanan pa nga raw dahil para sa Darna nga naman yung idinadaos na dinner.

“MASAMA ANG NAIINGGIT!” Naaapektuhan pa ba siya ng mga ganitong intriga?

“Wala… trabaho nila yun. Basta ako, katulad niyo, naniniwala kayo sa akin, ang importante sa akin ay yung kayo. Yung iba, given na ‘yan. Kasi, hindi naman lahat mapi-please mo. At least ngayon, alam ko, may nagtatanggol sa akin dahil nandun sila mismo sa pangyayari kaya ganun na lang talaga.”

Kung dala ng inggit ang mga pang-iintrigang ito, “Naku, masama ang naiinggit!” ang sagot ng dalaga. “Kung gayunman ang dating, hindi ko na problema. At least ako, nakakatulog ako nang mahimbing kapag gabi, masaya ‘ko, di ba?”

Bagamat nalungkot daw si Marian na hindi natuloy ang filmfest entry niyang Nieves, looking forward naman daw siya to 2010 kunsaan magaganap ang mga out-of-the-country shows niya with Dingdong, Regine Velasquez at Ogie Alcasid.

At kinumpirma na niya na by April ay magsasama muli sila ni Dingdong sa soap opera na Endless Love.

via PEP.ph

Related Posts with Thumbnails

Be the first to comment on "Marian Rivera denies humiliating fan in Japan"

Leave a Reply

%d bloggers like this: