Sharon Cuneta’s yaya Luring died of cardiac arrest

Malungkot ang Pasko ni Sharon Cuneta dahil sa pagpanaw ng kanyang Yaya Luring, ang nag-alaga sa kanya magmula noong siya ay limang taong gulang pa lamang.
Binawian ng buhay si Loreta Benitez habang nagdaraos ang Megastar ng kanyang Christmas party sa tahanan nito sa Ayala Westgrove Heights sa Laguna. Ayon sa balitang natanggap, nagkaroon daw ito ng cardiac arrest. Siya ay 80 taong gulang, at may dalawang anak, sina Delia at Eddie.
MEGAYAYA. Maituturing si Yaya Luring bilang pinakasikat na yaya sa buong bansa. Saan man naroon ang kanyang alaga, tiyak na nandoon din siya. Sa isang panayam sa diyaryo, sinabi nitong nasa tabi siya ni Sharon “sa hirap at ginhawa.”
Isang Pangasinense na galing sa bayan ng Mangatarem, una munang nagtrabaho si Yaya Luring sa pamilya Cuneta bilang labandera. Ang ama ni Sharon na si Pablo Cuneta+ ang nagtalaga sa kanya bilang tagapag-alaga ng kanyang bunso. At magmula noon ay hindi na siya nawalay sa pinakapopular anak ng dating mayor ng Pasay. Nakasama pa nga si Yaya sa Fuji Film commercial ni Sharon noong taong 2002.
Subalit nitong mga huling biyahe ng Megastar sa labas ng bansa ay hindi na nakakasama si Yaya Luring. Sa katunayan, noong lumipad si Shawie sa Beijing, China, kung saan kinuhaan siya ng ilang eksena para sa pelikula niyang Mano po 6: My Mother's Love, wala ng kanyang masayahing yaya.
At mamayang gabi, ika-20 ng Disyembre, nakatakdang ganapin ang premiere ng kanyang unang pelikula sa Regal Films sa SM Megamall, pero baka hindi makadalo ang Megastar dahil sa pagpanaw ni Yaya Luring.










