Tell me a secret, and I promise I'll tell the world.

Nora Aunor signs three-year guaranteed contract with TV5

 

 

“Maraming salamat po.”

 

Ito ang nasambit ng Superstar na si Nora Aunor pagkatapos ng contract signing niya noong Biyernes, October 28, sa Meeting Room A ng Marriot Hotel sa may Resorts World Pasay City.

 

Three year-guaranteed at exclusive contract ang pinirmahan ni Ate Guy; kasama ang bigwigs ng TV5 na sina Atty. Ray Espinosa, Mr. Bobby Barreiro, at Mr. Perci Intalan.

 

Teary-eyed si Nora nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) pagkatapos ng contract signing.

SUPERSTAR RETURNS. Ano ang kaibahan ng pagpirma niya ngayon at parang hindi niya napigiling lumuha?

 

“Dati kasi, ang mga sinasabi ko, yung mga ibang producers, mga network, noong araw kasi, alam nila na yun yung height.

 

“Ngayon, nung pagbalik ko dito, hindi ko alam, hindi ko alam kung ano ang reaction sa akin ng mga tao dahil eight years akong nawala.

 

“Ang daming balita sa States na hindi maganda.

 

“Actually, noong una akong nagbalak na umuwi, hindi ko iniisip na may mga fans na sasalubong, na may mga artista na sasalubong.

 

“Kaya nagulat ako noong sinasabi sa akin na, ‘Huwag ka munang umuwi kasi meron kaming tinatapos na negosasyon sa TV5.’

 

“Nung sinabi sa akin yun, hindi pa rin ako makapaniwala na totoo.

 

“Pero nagkatotoo nga at ito na nga tayo.”

 

Dagdag ng Superstar, “Pagdating ko, andami-daming sumalubong, then sa presscon…

 

“Noon ko lang naranasan yung suporta nila talaga na hanggang ngayon ay hindi nila ako pinabayaan.

 

“Yun yung kaibahan, kasi dati hindi mo mararamdaman yung totoo.

 

“Alam ko kinukuha lang nila ako dahil kailangan nila ako, e… Well, lahat naman siguro ganun.

 

“Ang kaibahan lang siguro, yung respeto, kahit na yung matagal na kami dito [sa showbiz industry].

 

“Ayoko naman sabihing matanda na ako, pero ibig kong sabihin, yung nagkakaedad.

 

“Na gaya sa States, na habang nagkakaedad yung artista sa States, mas lalo nilang nirerespeto.

 

“Dito kasi sa atin iba, e. Habang nagkakaedad, ang mga artsita natin sa industriya, andiyan yung sasabihin nila na, ‘Laos ka na, wala nang kukuha sa ‘yo.

“Yun tayo, yun yung ano ng mga Pilipino, e.

 

“Kaya masayang masaya ako kasi may nagtitiwala sa akin.”

 

GREEN CARD. Ito na kaya ang hudyat na mananatili na talaga siya sa bansa?

 

Tugon ni Nora, “Hindi naman, aalis pa rin ako.

 

“Kasi yung green card [permanent residency in the U.S.], nanghihinayang naman ako kapag mapaso ano.

 

“Matagal ko ring pinaghirapan yun para makuha, para nga sa ganun, pabalik-balik na lang ako at hindi ako magkakaroon ng problema.

 

“Isa rin yun kaya ako natagalan.

 

“Kasi noong nasa States ako, andami-daming balitang nangyayari, hindi ko alam kung paanong paliwanag ang sasabihin.

 

“Pero maski sa set ng Sa Ngalan Ng Ina—mula sa direktor hanggang sa crew—andun yung respeto sa akin.

 

“First time lahat na nangyari sa buhay ko na nag-taping ako na wala akong problema, masaya kami sa taping.

 

“Kaya hindi ako nagrerebelde, e!” natatawang sabi niya.

 

“Totoo ‘yan, kasi noong araw, meron lang isang tao na hindi ko lang magustuhan sa set, o mayroon lang isang crew na inapi ng producer o kung sinuman sa network, ako ang nakikipaglaban.

 

“Kaya ang tingin ng tao, ako lahat ang masama, kasi ang sumbungan ako.

 

“Katulad nung gumagawa ako ng movie sa isang production outfit… hindi ko na lang babanggitin, yung nagdadala ng cash, petty cash [field cashier], ninakawan yata. Yun ang kuwento.

 

“E, nakita ko kung paano siya minura no’ng producer, mula ulo hanggang paa na hindi mo masisikmura talaga.

 

“E, nakita ko yun, so ang nangyari noon, ako ang nagrerebelde para sa kanya.

 

“Kasi naawa ako dun sa tao, dahil nagsasabi naman ng totoo na talaga namang hinoldap siya, ninakawan siya, hindi naintindihan ng ano yun, e…

 

“Ang sa kanila, ‘Bakit mo ginawa?

 

“E, di ba, may mga nangyayari naman sa atin na hindi natin kagustuhan?

 

“Ang ginawa ko nun, 8 a.m. ang call time ko, 8 p.m. ako sumipot.

“Kasi nga, gusto ko ipakita na huwag n’yo naman ganunin [ang mga] maliliit na tao.

 

“Minsan, hindi rin pala maganda para sa artista yun.

 

“Na-realize ko din yun na hindi tama, so puwede ka pala makipaglaban na hindi mo sisirain ang sarili mo.

 

“At isa ‘yan sa mga natutunan ko.

 

“Nakapagmuni-muni ako nung nasa States ako, kaya no’ng sinabi ko na pagdating ko dito, na babaguhin ko lahat yung mga pagdadating kong late, hindi maganda yung nagawa ko noon.

 

“Lalo na ngayon na nakakita ako at may tumanggap sa akin na network na talagang pinagkatiwalan ako at naniwala sa akin, at sobra-sobra ang suportang ginawa nila sa akin, hindi mo kayang bayaran ng pera yun.

 

“Kahit na siguro may project na ibibigay sa akin, hindi ako magpapabayad para lang maipakita ko sa kanila ang pagmamahal ko sa TV5, at yung mga ipinakita nilang suporta na hindi kayang gawin ng ibang netwrok.”

 

THE PROOF. Bago pa man ang naturang contract signing, may mga usap-usapan o isyung lumabas na hindi na raw matutuloy ang kanyang muling pagpirma sa TV5.

 

Ano ang mensaheng gusto niyang ipaabot sa mga nagkakalat ng intriga?

 

“Ito na po, pagpapatunay lamang po, na hindi sila [TV5 management] marunong sumira sa kanilang mga sinasabi, kaya huwag na ho kayo manira.

 

“Ito na ho yung katibayan na pumirma na ho ako ng kontrata sa TV5, tatlong taon po yun—guaranteed contract po yun.

 

“Siguro nakikita n’yo naman kaya tigil na po tayo, magtulungan na lang po tayo, di ba?

 

“Imbes na magsiraan nang magsiraan, sasagot yung isa tapos siraan no’ng isa, magtulungan na lang po tayo.

 

“Baka sakaling umunlad po ang ating industriya kung magkakatulungan.

 

“Kasi walang kalaban-laban ang artista kapag press ang nag-ano, e, nagsulat.

 

“At kung may taong may show, talk show at may sasabihin tungkol sa isang artista, walang kalaban-laban din ang artista, e.

 

“Kasi katulad dati, ngayon hindi naman kailangan sagutin, e.

 

“Ang mangyayari, kung magkaliwanagan na kaagad, kung anong problema para huwag magkasiraan, gawin natin yung nararapat lang, na linawin kung ano yung mga dapat linawin muna.

 

“Anyway, magkakasama naman tayo sa industriya natin,” saad ni Nora.

 

May pangako namang binitawan si Ate Guy para sa kanyang mga tagahanga.

“Kaya ako lumalakas dahil sa kanila. Kaya ako lumalakas at nagpapatuloy dahil sa kanila.

 

“Dahil kung wala sila talaga, paano ako magpapatuloy kung wala ang suporta nila sa akin?

 

“Sila lahat yun, e. Kaya lahat yung ginagawa ko para sa kanila, iniaalay ko sa mga fans.

 

“Yung aking pagpakita ng aking kaibahan ngayon sa trabaho, para sa kanila lahat yun.”

via PEP.ph

Related Posts with Thumbnails
Increase your website traffic with AutomaticSiteMap.com